Nahuli-cam ang pagbabanta ng isang traffic enforcer sa buhay ng sinita niyang rider sa Parañaque City. Pero depensa ng traffic enforcer, tinangka raw siyang takasan nito.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing viral sa social media ang cellphone video na kuha ng rider nang hulihin siya ng traffic enforcer ng Parañaque Traffic and Parking Management Office na si Vicente Bufete, sa kanto ng C-5 extension at Multinational Avenue nitong Biyernes.

Sa video, makikita ang paghablot ni Bufete sa susi ng motorsiklo ng rider. Nang komprontahin niya ang enforcer, dito na nagbanta ang enforcer na papatayin kapag hindi binura ang video.

Iginiit ng rider na wala raw siyang traffic violation sabay pahingi ng paumanhin.

Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Bufete pinara raw niya ang rider dahil pinipilit umano nitong makalusot sa intersection na dapat ay tumigil.

Naging bastos din umano ang rider kaya niya kinuha ang susi para huminto ito.

Gayunman, aminado siya mali ang kaniyang ginawang pagkuha ng susi at pagbabanta sa rider.

Sabi naman ng pamunuan ng TPMO, hindi nila kukunsintihan ang naging asal ng kanilang tauhan na si Bufete.

Kaagad daw nilang itong pinag-report sa opisina at pinayuhan din nila ang rider na maghain ng reklamo sa kanilang opisina.-- FRJ, GMA News