Arestado ang dalawang dating tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa ilegal na pag-e-escort umano ng isang dayuhang negosyante.
Sa ulat ni Raffy Tima nitong Martes sa 24 Oras, nasabing namataan ng Highway Patrol Group ang dalawa habang hinahawi ang trapiko sa EDSA southbound sa may Buendia sa Makati.
"Initially, 'yung dalawang nakuha natin, nagpakilala, naka-uniform na pang-MMDA pero umamin naman sila na one year na silang wala sa serbisyo," Police Major Howell Joseph Greñas, hepe ng HPG NCR motorcycle unit.
Tumangging humarap sa camera ang dalawang nagpakilala bilang dating MMDA personnel na sina Michael Togores at Candido Orias. Makikitang suot nila ang pantalon ng MMDA, habang may logo ng kanilang master rider motorcycle training sa HPG ang kanilang mga jacket.
Giit nina Togores, nag-awol daw sila sa pagiging motorcycle constable dahil sa baba ng sweldo.
Ayon naman kay Greñas: "Puwede natin silang makasuhan siguro dito ng usurpation bukod doon sa mga sasakyan nila na private naman eh puno ng mga blinkers tsaka may wangwang pa."
Sa batas, tanging mga opisyal na sasakyan lamang ng pulis, Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation at Land Transportation Office ang puwedeng gumamit ng sirena at blinker.
Ang pangulo ng bansa lang din ang puwedeng magkaroon ng escort na may sirena at blinker.
Sinusubukan pang makuha ang panig ng MMDA.
Nagpaalala naman ang HPG na hindi pinapayagan ang pag-e-escort ng sinuman lalo na ngayong nalalapit ang eleksyon. —Margaret Claire Layug/LDF, GMA News
