Isang 68-anyos na babae na mamamalengke sana ang nabiktima ng mga holdaper sa Barangay 138, Caloocan City, nitong Martes ng madaling-araw.

Sa ulat ni Oscar Oida sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinuwento ni Lola Leila Ragadon kung paano siya sinundan ng isang lalaki at isang babae na sakay ng motorsiklo at kinuha ang P2,000 na gagamitin niya sana sa pamamalengke.

"Noong una nasusundan nila ako, pagkatapos bumaba 'yung babae. Kunwari sira 'yung motor niya. Tinutulak ng babae 'yung motor parang style na nila 'yun eh," sabi ni Ragadon.

"Noong nandun na sa madilim, bumaba na 'yung lalaki. Sabi niya, 'Akin na 'yung pera mo, kung di mo bigay sakin 'yan, babarilin na kita," dagdag pa nito.

Gusto sanang pumalag ng biktima pero dahil sa takot, napilitan na lamang siyang ibigay ang hinihingi ng mga suspek.

"Ibinigay ko na po kaysa naman ako mabaril," ani Ragadon.

Akala ni Ragadon ay tuluyan nang aalis ang mga suspek pero binalikan siya ng mga ito at kinuha ang kaniyang jacket at bayong.

"Pinahubad pa niya sakin 'yung jacket ko tapos may bayong ako dalang. Sabi niya, 'Akin na 'yung bayong.' Sabi ko sige kunin mo na 'yan," sabi ni Ragadon.

Samantala, aminado ang mga awtoridad na wala pa silang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Panawagan nila sa publiko, ipagbigay-alam ang anumang impormasyon na makakatulong para maaresto ang dalawang suspek.

"Hindi mo sila puwedeng pagisipan ng masama kasi babae at lalaki eh. Mostly ang nangho-holdap parehong lalaki eh. 'Yung area na 'yan motel 'yan eh. Akala siguro ng mga naglalakad maghohotel," sabi ni Kapitan Eduardo "Bobot" Bade.

"Sa mga taong puwedeng nakakita ng panghoholdap kahit 'yung plate number ng motor, ipagbigay alam lang po sa Barangay 138," dagdag pa niya. —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News