Isang lalaking pasahero ang nalunod matapos tumaob ang sinasakyan niyang bangka sa isang ilog sa Buldon, Maguindanao del Norte. Ang insidente, nahuli-cam.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang video ng pagtawid ng bangka sa ilog sa pamamagitan ng paghila ng lubid sa Barangay Edcor nitong Martes.

Habang lumalapit ang bangka sa kabilang pampang, biglang naputol ang lubid kaya sinubukan nitong bumalik.

Sa kasamaang-palad, nawalan ng balanse ang bangka nang pasukan na ito ng tubig na dahilan para tumaob.

Sinabi ng pulisya na nahulog sa ilog ang 12 sakay ng bangka.

Nakalangoy pabalik sa pampang ang mga sakay, maliban sa isang lalaki na tuluyang nalunod.

Nakita kalaunan ang kaniyang katawan at dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival. – Jamil Santos/FRJ GMA News