Inilahad ni Roger Naldo ng comedy podcast na “The KoolPals” na minsan na rin niyang naisip na tumigil sa comedy dahil sa tindi ng bashing na kaniyang natanggap online.
“Kay Roger malala. Umiyak si Roger eh. Doon nagsimula ‘yung ‘worth it pa ba ‘to?’ na t-shirt,” kuwento ng ka-KoolPals ni Roger na si GB Labrador, sa kanilang guesting sa GMA online show na “Your Honor.”
“Muntikan na akong mag-quit ng comedy. Sinabi ko, ‘worth it pa ba ‘to? Ayoko na,’” saad niya.
“Mayroon kasi akong nasabi na medyo below the belt,” pag-amin ni Roger. “And then hindi siya ni-receive nang maganda. Well ako, aminado naman ako.”
Ayon kay GB, naging usap-uspan si Roger sa Reddit, dahil na rin sa panghihikayat sa kanila ng kasamahan din nilang si James Caraan.
“Tapos kinabukasan umiiyak na si Roger,” ani GB.
“Kasi noon time na ‘yun, nasa situation rin ako na hindi maganda. May pinagdadaanan din ako. And then parang nakadagdag pa ‘yun. Sabi ko, ‘ayoko na,’” kuwento ni Roger.
Nagkomento naman ang host na si Chariz Solomon sa sitwasyon ni Roger.
“Pero alam mo, okay, pinaka-honest ‘yun na thoughts nila since they're saying it anonymously and from afar. I mean, you may never meet them. Pero it doesn't mean it's right and it is correct. Like, hindi right, right lang. Pero correct,” sabi ni Chariz.
“Kasi minsan, ito 'yung sinasabi. Na-observe namin ganito, ganiyan. May mga technical na sinasabi. Pero hindi nila alam kung bakit naging gano’n. Also, hindi niyo naintindihan. Kasi itong part lang pinanood niyo eh. Hindi niyo nakuha 'yung pulse ng buong show. Kasi you didn't watch it from the start. You just watched a portion of it,” patuloy ng aktres.
“Kaya you have to nitpick 'yung sinasabi nila,” dugtong ni Roger. – FRJ GMA News
