Isang Grade 3 pupil na babae ang nasawi ilang araw makaraan siyang hampasin umano ng notebook sa ulo ng kaniyang kaklaseng lalaki sa loob ng isang public school sa Davao City.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente noong July 17, 2026.
“Nangyari daw po ay nag-away ang dalawang bata. Allegedly, hinampas ng subject ‘yung batang babae ng notebook sa ulo. As of this time, ito pa lang po ang confirmed talaga na ginawa nung batang lalaki sa batang babae wherein inamin niya sa teacher na hinampas niya talaga sa notebook ‘yung babae,” ayon kay Sta. Ana Police Station Chief, Police Major Marc Hedssel Culaste.
Matapos ng insidente, nakaramdam umano ng masakit sa katawan ang batang babae, na walong-taing-gulang.
Nitong nakaraang Martes, July 21, 2026, dinala sa ospital ang babae pero pumanaw kinahapunan nsa nasabing araw.
Ayon sa pulisya, lumalabas sa paunang pagsusuri sa ospital na brain failure at traumatic brain injury ang dahilan ng pagkamatay ng bata.
Hinihintay pa ng mga awtoridad ang karagdagang resulta sa pagsusuri sa mga labi ng biktima.
“So, ang initial findings ng physician, meron silang referral letter, cause of death po is brain failure and traumatic brain injury. As of this the moment, meron pa kaming hinihintay na medical findings report ng health institution wherein result ng ultrasound kasi pina-ultrasound din ang tiyan ng bata,” sabi ni Culaste.
Sinabi ng ina ng bata sa Sta. Ana Police Station na biktima ng bullying sa paaralan ang kaniyang anak.
Wala pang inilalabas na pahayag sa pamunuan ng paaralan tungkol sa insidente.
Ayon naman sa Department of Education-Davao (DepEd-11), nagsasagawa na ng imbestigasyon ang DepEd Davao City Division.
Sinabi ni DepEd-11 Spokesperson Jenielito Atillo, na magbibigay sila ng psychosocial intervention para sa mga mag-aaral na apektado ng insidente, o kung kailangan ay sa buong paaralan.
Inatasan din umano ng DepEd Davao City ang mga kinauukulan na magbigay ng naaangkop na tulong at suporta sa pamilya ng bata.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga magulang ng batang nasawi, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
