Nakahanda umano ang pamilya Villar na mag-donate ng lupa upang maresolba ang mga usapin sa right-of-way (ROW) na nakaaapekto sa bahagi ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite Extension sa Las Piñas.
Ito ang inihayag ni Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez sa isang panayam sa radyo nitong Huwebes.
“As a matter of fact, they [Villars] want their property, they want to donate their property… as part of the extension,” ayon kay Lopez.
Inihayag ito ni Lopez sa harap ng mga ulat na iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang magkapatid na senador na sina Mark at Camille Villar dahil umano sa alegasyon ng pakikialam sa magiging ruta ng LRT-1 Extension.
Pero mariing itinanggi ng magkapatid na Villar ang alegasyon at sinabi nilang bukas sila sa anumang imbestigasyon kaugnay sa usapin.
Nitong nakaraang buwan, inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Lopez na lutasin kaagad ang mga hadlang sa right-of-way ng LRT-1 Extension hanggang Cavite.
Nangako rin ang Light Rail Transit Authority (LRTA) na matatapos ang buong LRT-1 Cavite Extension Project bago matapos ang termino ng administrasyong Marcos sa 2028.
Ang Phase 1 ng proyekto, na kasalukuyan nang ginagamit ng publiko, ay nag-uugnay sa Baclaran Station sa Pasay City at Dr. Santos Station sa Parañaque City sa pamamagitan ng limang estasyon: Redemptorist-ASEANA Station, MIA Road Station, PITX Station, Ninoy Aquino Avenue Station, at Dr. Santos Station.
Samantala, ang bahagi ng proyekto sa Cavite o Phase 2 at Phase 3 ay kinabibilangan ng tatlong estasyong hindi pa naitatayo: Las Piñas, Zapote, at Niog.
Upang mapabilis ang pagkumpleto ng proyekto, sinabi ni Lopez na may panukalang gibain ang C-5 Quirino Flyover.
Gayunman, ayon sa kalihim, maaari din namang manatili ang flyover o mag-co-exist, kasama ang LRT-1 Extension project.
Ang LRT-1 Cavite Extension Project ay pinopondohan sa pamamagitan ng isang hybrid financing scheme na kinabibilangan ng pambansang pamahalaan, official development assistance mula sa Japan, Japan International Cooperation Agency (JICA), at ng pribadong operator na Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Nagkakahalaga ang proyekto ng ₱64.9 bilyon na iginawad sa LRMC noong Setyembre 2014, ngunit pormal lamang itong pinangasiwaan ng private partner noong Setyembre 2015.
Sa ilalim ng kasunduan, pamamahalaan ng LRMC ang LRT-1 sa loob ng 32 taon. Sa panahong ito, palalawigin din nito ang linya ng tren ng 11.7 kilometro, mula sa kasalukuyang 20.7 kilometro hanggang 32.4 kilometro. — Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA News

