Nabuko ang pagpapanggap ng isang konduktor ng bus na naholdap siya, matapos matuklasang naipatalo niya sa online sugal ang kanilang kinita sa pamamasada na aabot sa P17,000 sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing humingi ng tulong ang 48-anyos na konduktor ng bus sa mga nagpapatrolyang pulis sa EDSA Balintawak pasado 4 a.m. ng Lunes.
Naholdap umano siya at tinangay ang kaniyang kita sa pamamasada.
Ngunit pabago-bago umano ang pahayag ng konduktor, ayon sa pulisya, matapos lumabas sa imbestigasyon ng La Loma Police Station na walang holdap na nangyari.
“Nagsabi na naholdap siya, na ang nangholdap sa kaniya ay nagpapakilala pang pulis. Nang tiningnan kung saan 'yung mga area, lugar na pinagholdapan sa kaniya ay wala naman itong holdap na nangyari nang tinignan ng mga CCTV,” sabi ni Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, Commander ng La Loma Police Station.
Nakipag-ugnayan ang pulisya sa kumpanya ng bus, hanggang sa matuklasan kung saan napunta ang P17,000 na kita sa pamamasada.
“Habang nag-iimbestiga kami, nang dumating 'yung representative, mga driver, mga kasamahan niya, doon na rin siya napaamin. Nagastos niya 'yung pera sa online gambling,” sabi ni Aguirre.
Inaresto ang lalaki na limang buwan pa lamang nagtatrabahong konduktor ng bus.
Umamin siyang naipatalo niya sa online sugal ang kita sa pamamasada.
“Natalo po 'yung remittance po. Dahil na-short na po, hinabol ko po 'yung short kaya naisipan ko po isugal. Sana mapatawad po nila ako dahil sa pagsusugal ko, nagkamali po ako,” sabi ng suspek.
Batay sa rekord ng pulisya, dati nang nabilanggo ang suspek sa Bulacan dahil sa kasong may kinalaman sa illegal na droga.
Sinampahan naman siya ngayon ng mga reklamong unjust fixation at qualified theft. – Jamil Santos/FRJ GMA News
