Isang simpleng pagkain lamang ang itlog na madalas nakikita sa palengke, ngunit ang kita pala rito, pangmalakasan. Ang isang mag-asawang Kapampangan, six digits na ngayon ang kita kada buwan mula sa P6,000 na puhunan nang simulan nila ang negosyo.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang mag-asawang Ryan at Precious Angel Villapaña, ang owner ng Betlogan ni Daddy D.

“Siyempre, 'yung magandang klase ng itlog 'yung hinahanap namin. Hindi kami basta-basta kumukuha ng itlog. Hindi kami 'yung pinakamababa pero hindi kami 'yung pinakamahal,” sabi ni Ryan.

Wala ring sariling farm o poultry ang mag-asawa, pero dumidiskarte sa pamamagitan ng paglapit sa iba't ibang farm para kumuha ng kanilang paninda.

Araw-araw, kumukuha ang mag-asawa ng 60 hanggang 70 cases, o 25,200 piraso ng itlog mula sa isang farm sa Magalang. Madalas itong naibebenta ng mag-asawa sa loob lang ng isang araw.

Sa pagpili, iniisa-isa sa makina ang mga itlog para makita kung may bugok o may basag. Kapag nakikita ang dilaw ng itlog sa ilaw, nangangahulugang fresh ito. Ngunit kung itim lamang ang itlog, bugok ito.

Gumagamit na rin ang farm ng makina para mapagsama-sama ang magkakasinglaki na sukat ng itlog.

Matapos nito, bulto-bulto itong kukunin nina Ryan at Precious mula sa iba't ibang farm sa Pampanga kaya mas mura nilang nabibili at naibebenta.

“Pagkatapos naman namin maisakay lahat ng na-produce na itlog sa aming sasakyan, dadalhin na namin siya sa tindahan. At pagka-sinusuwerte kami, sa sasakyan pa lang nauubos na 'yung mga itlog na tinitinda namin,” sabi ni Precious.

Sa daan pa lamang, may mga nakaabang nang customer pagdating nila sa kanilang puwesto.

Madalas na ang mga bumibili sa kanila ay ang mga hindi pa kayang kumuha nang direkta sa mga farm.

“Kasi may minimum po na volume na makukuha sa farm. Kung kokonti lang, hindi ka rin naman bibigyan. Noong una, ma'am, napakahirap. Pumunta kami sa mga farm, kumatok kami sa mga gate. 'Yung iba, halos hindi man lang kami pagbuksan. Kahit nakikita na namin 'yung mga manok, sasabihin nila ‘walang itlog,’” kuwento ni Ryan.

“Tapos, may isang farm naman sinabi po sa amin na 50 cases 'yung minimum na dapat kunin para makakuha kami. Siyempre, ‘di pa po namin kayang kunin, nagsisimula pa lang kami. Paano kung walang bumili?” dagdag niya.

Bago nito, nagsimulang magtrabaho si Ryan sa edad na 13 bilang construction worker. Kinalaunan, nag-aral ng pagwe-welding para tumaas ang sahod. Hanggang makapasok siya sa isang kompanya, at doon naman siya nagsimulang maging content creator.

Aksidente lamang na nag-viral ang isang video na pinost niya pagkauwi galing trabaho, na tungkol sa sakripisyo ng mga magulang para sa kanilang mga anak.

Kalaunan, nag-monetize ang kaniyang video at nakaipon.

Sa kabila ng walang karanasan at limitado ang kaalaman sa pag-iitlog, nagpursige si Ryan sa pagpasok sa negosyong ito.

“Noong nagsimula kami, kumuha kami sa isang dealer sa San Fernando, P6,000 lang 'yung halaga ng ginawa naming,” kuwento niya.

Pagpost niya sa Facebook, agad pinakyaw ang kanilang mga itlog.

“Tapos kinabukasan, P58,000 na 'yung halaga ng pa-order namin. Inabonohan muna namin, ma'am. Pagkabili namin, diretso deliver. Sold out. Kinabukasan, ganu’n. Hanggang sa nag-doble nang nag-doble araw-araw,” sabi ni Ryan.

Kahit may sariling puwesto na, naglalako pa rin sila ng itlog para mas makarami ng benta.

“Kailangan mong ipakita kung gaano ka mura o gaano kaganda 'yung produkto mo. Talagang kaming dalawa, literal na dala-dala 'yung itlog, naglalakad sa daan, inaalok sa mga sari-sari store, sa mga restaurant. Ngayon, nu’ng lumaki na kami, medyong marami-rami na 'yung nakukuha namin, nakapasok na kami sa farm,” sabi ni Ryan.

Tumutulong din ang mag-asawa sa mga gusto rin magsimula sa pagiging egg dealer na nangangapa pa lamang.

“Masaya, ma'am. Masaya na proud. Sa lahat ng sinubukan ko na sideline trabaho, parang ito palang 'yung may pinakamagandang result. Kung hindi mo susubukan, hindi mo malalaman,” sabi ni Ryan. – FRJ GMA News