Niyanig ng malakas na lindol ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon nitong Lunes ng hapon. Sa Porac, Pampanga, dalawang bata ang iniulat na nasawi at isang supermarket ang gumuho kung saan 40 katao ang pinapangambahang nakulong.

Ayon sa PHIVOLCS, tectonic ang pinagmulan ng lindol na ang epicenter ay 18 kilometro sa northeast ng Castillejos, Zambales dakong 5:11 p.m.

Unang inanunsyo na 5.7 ang lakas ng lindol na itinaas sa 6.1 kinalaunan.

Intensity V ang naranasan sa San Felipe, Zambales; Malolos at Obando, Bulacan; Quezon City; Lipa, Batangas; Manila; Abucay, Bataan; Valenzuela City; at Magalang Pampanga.

Intensity IV  naman sa Pasig City; Makati City; Caloocan City; Meycauayan at San Jose Del Monte, Bulacan; Floridablanca, Pampanga; Villasis, Pangasinan; Tagaytay City; Villasis, Pangasinan; Baguio City; Marikina City; Las Pinas City

Intensity III sa  Dasmarinas, Indang at Gen. Trias, Cavite; Lucban, Quezon; Muntinlupa City, Cabanatuan City; Palayan City; Gapan City; Santo Domingo at Talavera, Nueva Ecija

Intensity II sa  Baler, Aurora

Ayon kay PHIVOLCS Deputy Director Bart Bautista, may naitalang 17 aftershocks at posibleng may maitala hanggang sa matapos ang linggo.

"Usually ang aftershocks, confined sila sa epicenter, kung saan malapit 'yun. Hindi sila lumalayo... sa Metro Manila ma-e-experience lang natin 'yung mga ground shaking," sabi ni Bautista sa panayam ng "24 Oras."

Hindi rin umano makalilikha ng tsunami ang 6.1 magnitude earthquake at nasa lupa rin ang epicenter nito.

"Para maka-generate tayo ng tsunami, dapat malaki 'yung magnitude natin, 6.5 pataas,"  paliwanag ni Bautista.

Sa kabila nito, pinayuhan ng mga opisyal ng Department of Science and Technology ang publiko na maging alerto sa epekto ng lindol.

Hindi rin inaalis ng PHIVOLCS ang posibilidad na baka masundan ito ng mas malakas na lindol.

"Hindi natin pwedeng i-discount 'yung possibility na 'to, so kailangan ng masusing pag-iingat talaga especially kapag malapit tayo doon sa epicenter," dagdag ni Bautista.

Sa Metro Manila, naglabasan sa mga gusali ang mga tao nang maramdaman ang pagyanig.

IN PHOTOS, VIDEO: How people around Metro Manila reacted to the big earthquake

Itinigil ang operasyon sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3, at maging ang Philippine National Railways.

Iniulat din na nagkaroon ng pinsala sa Clark International Airport sa Pampanga.

Sa panayam ng "24 Oras" kay Porac, Pampanga vice mayor Dexter David, sinabi nito na dalawang bata ang nasawi sa magkahiwalay na barangay.

Samantala, nasa 40 katao ang pinapangambahang nakulong sa gumuhong supermarket.

"Totally bumagsak po talaga 'yung apat na palapag na building," sabi ni David.

Tatlo umano ang nasagip sa nangyaring pagguho at patuloy ang isinasagawang rescue operation.— FRJ, GMA News