Iginiit ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Martes na walang basehan ang kumakalat na mensahe sa internet na nagbibigay ng babala sa pagtama ng 7.1-magnitude earthquake matapos ang dalawang magkasunod na lindol na naranasan ng bansa.
“Nais naming ipabatid sa publiko na hindi nanggaling sa DOST-PHIVOLCS ang mensahe na ito at walang sapat na basehan para maglabas ng warning ang aming tanggapan tungkol sa isang nalalapit na malakas na lindol,” saad sa Facebook post ng PHIVOLCS.
Lumabas ang mensahe tungkol sa mas malakas na lindol matapos mangyari ang 6.1-magnitude earthquake na tumama sa Central Luzon nitong Lunes ng hapon, at nasundan naman ng 6.5-magnitude earthquake sa Eastern Samar nitong Martes ng hapon.
Nakasaad sa mensahe na: MAHALAGANG PABATID SA LAHAT! Warning ng Philvocs sa atin sa lindol na mararanasan sa Metro Manila. May 100 kilometrong fault line na sa kasalukuyan ay nasa Bulacan, Quezon City, Markina, Pasig, Makati, Taguig, Muntinlupa, Rizal, Cavite at Laguna na kung saan ay maaring maranasan ang intensity 7.1 na lindol.
Bagaman dati nang nagbibigay ng babala ang PHIVOLCS tungkol sa posibleng pagtama ng tinatawag na "big one" na lindol, nilinaw nila na wala pang teknolohiya sa buong mundo na maaring magsabi kung kailan at saan maaaring maganap ang isang malakas na lindol.
Ayon sa PHIVOLCS, ang laman ng mensahe na kumalat sa internet ay batay umano "Oplan Yakal Plus," na nagsasaad ng contingency plan kapag tumama ang isang malakas na lindol.
Dahil maraming gusali sa Metro Manila ang nakatayo malapit o sa mismong West Valley Fault, pinapangambahan ang matinding pinsalang idudulot ng isang malakas na lindol. Kaya naman dati nang nagbibigay ng babala ang PHIVOLCS at iba pang ahensiya ng matinding paghahanda at pag-iingat.
Pakiusap ng PHIVOLCS, huwag nang ipakalat pa ang mensahe na nagsasaad na sa Metro Manila ang sunod na tatamaan ng malakas na lindol upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.— FRJ, GMA News
