Arestado ang isang guro sa Cebu matapos umanong gawan ng kahalayan ang kaniyang estudyante kapalit ng pagpasa nito sa isang subject na English.

Ayon sa ulat ni Alan Domingo sa GMA "24 Oras" nitong Miyerkules, tinakot umano ng lalaking guro ang 17-anyos na lalaking biktima na ibabagsak kung hindi papayag sa nais kaniya.

Naaktuhan ang mismong panghahalay, ayon sa pulisya.

"Tinakot kasi ng guro sa isang unibersidad na ibabagsak talaga siya sa english subject kung ayaw niyang makipagtalik sa guro. May nangyari talaga. Naaktuhan na may sexual act," ayon kay Police Captain Armando Labora, hepe ng Parian Police Station.

Itinanggi naman ito ng guro at sinabing nagpamasahe lang siya sa estudyante at mismong ang binatilyo pa raw ang nag-alok nito.

"Walang nangyari sa'min. In fact, pagpasok ng mga pulis, magkalayo kami ng inuupuan," ayon sa suspek.

"He asked me if ano pa raw 'yung dapat niyang gawin para makapasa siya, para hindi siya mapagalitan ng parents. So sabi ko, 'no we are not allowed to give special projects. It's up to you, remedial or summer class na lang'," dagdag pa niya.

Hinihintay pa ng pulisya ang mga magulang ng biktima para pormal na makapagsampa ng kaso laban sa suspek. —Dona Magsino/NB, GMA News