Patay ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang nakaalitan sa kalye sa Taytay, Rizal. Nangyari ang krimen sa harap ng maraming tao.
(BABALA, MASELAN ANG VIDEO)
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News Tv "Balita Pilipinas" nitong Martes, makikita sa kuha ng video ang biktima na binabato sa C-6 Road sa Taytay ang kaniyang nakaalitang suspek.
Ilang sandali pa, lalong tumindi ang kanilang iringan nang bumunot ng patalim sa bewang ang suspek at nilapitan ang biktima na may hawak naman na kahoy.
Pero wala nang nagawa pamalong kahoy ng biktima nang undayan na siya ng saksak ng suspek sa katawan.
Matapos ang pananaksak, kaagad tumakbo ang salarin palayo sa krimen, habang napasubsob naman ang biktima na kinalaunan ay binawian ng buhay.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang ugat ng krimen at pinaghahahanap na ang salarin.
Samantala, nahuli-cam naman sa isang karinderya sa General Tinio, Nueva Ecija ang rambol ng dalawang grupo ng kabataan.
Nagliparan ang mga gamit na ipinambato ng magkabilang grupo tulad ng silya. May mga nagpang-abot din at nagpalitan ng suntok.
Matapos ang gulo, umalis din ang dalawang grupo.
Naipa-blotter na raw ng may-ari ng karinderya ang pangyayari at pinaghahahanap na ang mga sangkot sa rambol.-- FRJ, GMA News
