Arestado ang isang lalaking nakapatay ng kapitbahay matapos niya itong hatawin ng tako sa Malabon noong June 10, 2018.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” nitong Miyerkules, ang suspek na si Jomar Torres ay inaresto sa Bacolod City makaraan ng 11 na buwan mula ng mangyari ang krimen.
Pinalo ng tako ni Torres ang 35-anyos na overseas Filipino worker na si John Erwin Rugay matapos itong mapikon sa walang tigil sa pangangantiyaw umano tungkol sa pustahan nila sa bilyaran.
Nadakip ang suspek sa pagtutulungan ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 6 at ng Malabon PNP kahit na nag-iba na ang itsura ng suspek bilang ito ay tumaba at nagpahaba ng buhok at balbas.
“Actually, ibang lugar siya nagtago. Iloilo, sa amag-anak niya. Medyo na-miss niya 'yung pamilya niya, umuwi siya last March. And so with the continuous surveillance na ginawa ng CIDG Region 6, Bacolod City PNP, joint effort with Malabon City PNP, naaresto ang suspek,” ani Police Chief Colonel Jessie Tamayao, Chief of Police ng Malabon PNP.
Nahuli man ang suspek, desidido pa rin ang pamilya ng biktima na ituloy ang pagsasampa ng kaso kay Torres.
Hindi rin naibsan ng pagkakahuli sa suspek ang pagdadalamhati ni Marjorie Ann Santiago, asawa ng biktima.
"Lagi niya kasing hinahanap 'yun sa akin [ng mga anak ko], iba kasi ang pagmamahal ni Erwin sa mga bata. [Ang] sakit sakit...parang walang puso ang gumawa. Mabait na tao po kasi si Erwin,” dagdag pa ni Marjorie.
Humingi rin ng tawad ang suspek.
"Patawad po, sa nagawa ko."
Sa kabila nito, desidido pa rin si Mariz Rugay, kapatid ng biktima, na sampahan ng kaso ang suspek.
"Itutuloy namin 'yung kaso, kasi buhay ng kapatid ko 'yung kinuha niya,” ani Mariz. —Llanesca T. Panti/NB, GMA News
