Lumabas sa pagsusuri ng pulisya na ang baril na isinuko ni Police Corporal ocky Delos Reyes ay ang siyang nakapatay sa 6-anyos na batang si Gian Habal sa Caloocan kamakailan.
"[Regarding] Gian Habal case in Caloocan, advance info from Crime Lab shows that the gun surrendered by Police Colonel Rocky Delos Reyes was the one used in killing the child," ani Police Major General Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Nitong Linggo, napatay umano ni Delos Reyes si Habal na noo'y naglalaro sa tapat ng kanilang bahay sa Caloocan.
Sa unang kuwento ng suspek, nadamay daw ang bata nang magkaroon ng engkuwentro sa pagitan niya at isang tinutugis na drug suspect sa lugar. Pero ayon sa mga residente, wala raw silang napansin na engkuwentro.
Sinabi na rin ng Caloocan Police na hindi tatayo ang sinabing salaysay ni Delos Reyes dahil wala raw silang ganitong operasyon.
Nang sumailalim sa inquest si Delos Reyes, murder ang isa sa mga kasong inirekomenda ng piskalya laban sa pulis. —Joviland Rita/KBK, GMA News
