Arestado sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City ang isang truck driver na runner umano ng droga.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, nakipagkita ang suspek na si Ervin Omandac sa kaniyang mga buyer sa kahabaan ng Himlayan Road.
Lingid sa kaalaman ni Omandac, mga pulis pala ang ka-transaksyon niya.
Aarestuhin na sana siya matapos magkaabutan pero nagtangka pa siyang tumakas at nagtatakbo sa isang eskinita.
Nauwi man sa habulan ang operasyon, nahuli rin ang suspek.
Nakuha sa kaniya ang 23 pakete ng hinihinalang shabu na may street value na P70,000.
Ayon sa mga awtoridad, dati na ring nakulong ang truck driver dahil sa droga.
"Actually ang usapan talaga dito ay magdadala siya ng drugs kapalit nung baril na hinihiling niya sa tropa. Hindi niya alam na 'yung katransaksyon niya pala ay pulis na natin," ayon kay Police Lieutenant Colonel Alex Alberto, station commander ng Talipapa Police.
Aminado naman ang suspek na gumagamit siya ng droga at dalawang buwan na ring suma-sideline bilang runner.
"Napag-utusan po ako na maghatid-hatid po. Kailangan po makipagsapalaran sa hirap nga po ng buhay," ayon kay Omandac. —Dona Magsino/NB, GMA News
