Patay sa buy-bust operation ang isang lalaking sangkot daw sa iligal na droga at holdapan sa Caloocan matapos umanong manlaban sa mga pulis.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ng mga awtoridad na nagpaputok ng baril ang suspek na si alias "Totoy" matapos makahalata na pulis ang kaniyang katransaksyon sa Barangay Sta. Quiteria.
Kaagad naman umanong nakaganti ng putok ang mga pulis na agad na ikinamatay ng suspek.
Halagang P300 na droga ang nabili sa kaniya ng mga operatiba.
Nakuha sa lugar ang isang baril at tatlong pakete ng hinihinalang shabu.
Bago nito, nakuhanan ng video ang suspek na nagre-repack umano ng droga.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News
