Hindi dumalo si Pangalawang Pangulong Sara Duterte nitong Miyerkoles sa unang pagdinig ng House committee on justice sa mga reklamo ng impeachment laban sa kaniya, at iginiit na walang mga polisiya na nagsabing kailangang dumalo ang mga respondent.

Sa isang pahayag, sinabi ni Duterte na mas pipiliin niyang ilaan ang kaniyang oras sa pagtulong sa mga taong apektado ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo kaysa dumalo sa pagdinig, na sinabi niyang ginagamit lamang ng House of Representatives para magsagawa ng "third fishing expedition" laban sa kaniya.

“Ang imbitasyon na dumalo sa pagdinig ng Committee on Justice ay tila ginagamit upang makabuo ng isang media narrative na magkakaroon ng ‘mini-trial,’ batay sa umano'y hindi ko pagsagot at hindi pagdalo,” anang Bise Presidente.

“Malinaw na walang patakaran na nagsasabing kailangang personal na dumalo ang respondent sa impeachment complaint sa mga pagdinig ng Committee on Justice,” dagdag pa niya.

Pormal na sinimulan ng House committee on justice ang unang araw ng pagdinig sa mga reklamo ng impeachment laban kay Duterte. Ito na ang sumunod na proseso matapos matukoy ng panel na sufficient in form, substance, at grounds ang dalawang reklamong impeachment.

Sinabi ni Duterte na dapat ibasura ang mga reklamo dahil sa kakulangan ng ebidensya.

“Naisumite ko na ang aking Answer ad Cautelam. Sa ngayon, wala nang dapat pang gawin ang Komite kundi ibasura ang mga reklamo dahil sa malinaw na kakulangan ng ebidensya,” sabi niya.

Noong Marso 16, naghain ang kampo ni Duterte ng kaniyang tugon sa mga reklamo ng impeachment matapos matukoy ng komite na sufficient in substance noong Marso 4.

Pangunahing inaakusahan ng mga reklamo ng impeachment ang Bise Presidente ng pagtataksil sa tiwala ng publiko, paglabag sa Konstitusyon, bukod sa iba pa, dahil sa maling paggamit umano ng P612.5 milyong confidential funds, at pagbabanta na papatayin si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at ang kaniyang pamilya.—Giselle Ombay at Jamil Santos/AOL GMA Integrated News