Arestado dahil sa ilegal na droga ang limang babae ang tatlong lalaki na nagre-rave party sa loob ng isang kuwarto sa isang five-star hotel sa Maynila.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Miyerkules, sari-saring "party drugs" katulad ng ecstasy tablets at liquid ecstasy ang nakumpiska ng mga ahente ng Special Enforcement Service ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA SES).

Kabilang sa mga nakumpiska ng mga awtoridad ang bagong droga na tinatawag na "ketamine." Kumakalat na raw ito sa mga kabataan dahil sa kakaibang epekto nito sa mga gumagamit.

"Normal nila after taking drugs, is...magse-sexual orgy," paliwanag ni
Wenifredo Alagabia Jr. ng PDEA SES. "In relation kung bakit may ketamine is to stimulate or pampa-lakas sa bawat grupo ng mga nag-gu-group sex, parang pampagana."

Inamin ng mga suspek na matagal na silang magkakakilala at kadalasan nagre-rave party sa mga hotel at condo.

Sa loob ng kuwarto, makikitang ginamit ng mga suspek ang mga kurtina at mga pinagpapatong-patong na unan para pantakip sa mga bintana.

Ayon sa PDEA, ginagamit ng mga suspek  ang malakas na tugtog at malakas na ilaw para magbigay sa kanila ng kakaibang tama.

Ininspeksyon din ng PDEA ang cellphone ng mga suspek para maberipika kung sino ang mga model at ibang celebrity na maaaring konektado sa grupo.

Ayon kay director Levi Ortiz, hepe ng PDEA SES, "Maraming mga anak-mayaman, maraming magaganda, magagara pa 'yung mga sasakyan eh. Makaka-afford kasi sila to rent this kind of place at nakakabahala 'to kasi iba din ang impact ng party drugs. Pag hindi sanay ang katawan mo, hindi sanay ang system mo, isang gamit lang, nakakamatay 'yan. Fatal 'yan." —Margaret Claire Layug/LDF, GMA News