Hindi na nakalabas ng piitan ang isang ginang na dadalaw lang sana sa nakapiit niyang anak sa Angono, Rizal.  Ang ginang kasi, inaresto matapos na mabisto ang plano niyang magpuslit ng droga na nakatago sa instant noodles.



Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, kinilala ang inarestong ina na si Divina Dizon.

Inaresto rin ang kasamang babae ni Dizon na si Marimar Santos, na dadalaw din daw sana sa piitan pero may makita rin umanong droga sa pitaka nito.

Dadalawin daw sana ni Dizon ang anak niyang si Jeffrey, na nakakulong dahil din sa droga, nang mabisto ang kaniyang plano.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Glenn Magsino, hepe ng Angono Police, nalaman nila ang plano ni Dizon matapos silang makatanggap ng tip mula mismo sa loob din ng kulungan.

Nakita umano sa loob ng instant noodles ang mga pakete ng shabu na aabot sa P100,000 ang street value.

Bago pa man nito, sinabi ni Magsino na nagtataka sila kung bakit may ilang bilanggo na nagpopositibo sa droga kapag isinailalim sa drug test.

Tumanggi magbigay ng pahayag si Jeffrey, habang itinanggi ni Gng. Dizon  ang paratang laban sa kaniya.

Patuloy na nag-iimbestiga ang mga awtoridad sa nadiskubre nilang modus upang alamin kung saan nanggagaling ang droga.-- FRJ, GMA News