Matapos maging matagumpay ang operasyon kay Baby Ned para maalis ang parasitic twin o kakambal na hindi nabuo at nakadikit sa kaniyang mukha, isa pang matinding operasyon ang kailangan niyang pagdaanan.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing tatlong oras ang itinagal ng operasyon sa pitong buwang gulang na si Baby Ned para matanggal ang kaniyang parasitic twin sa mukha.

Hindi man naging madali ang operasyon, naging matagumpay naman ito sa dahil sa pagtutulungan ng mga doktor ng Philippine Children's Medical Center.

Matapos matanggal ang parasitic twin, kinailangang tahiin ang mukha ng sanggol para maisara naiwang puwang na dulot ng isinagawang operasyon.

Wala ring butas ang ilong ni Baby Ned kaya sa ngayon sa bibig siya humihinga. Dahil sa mga naturang kondisyon, kakailanganing sumailalim sa facial reconstruction ang sanggol.

"Meron siyang cleft lip tapos may cleft palette. 'Yung brain wala naman kaming nakitang malubhang abnormality," ayon kay Dr. Jose Aguilar, Neurosurgeon-PCMC.

Nasa ICU ngayon ang sanggol at mahigpit na binabantayan ang kaniyang kalusugan.

Ang kaniyang ina, panay ang pagpapa-breast feed para mas lalo siyang lumakas.

"Si Baby Ned natanggal siya sa ng main oxygen support, so free flowing oxygen na lang siya. Nakaka-tolerate na siya ng feedings. Very active naman, so far stable," sabi ni Dra. Shiela Ann Masangkay, Neonatologist-PCMC.

Ang kaniyang mga magulang, labis ang pasasalamat sa laht ng tumulong at tutulong sa kanilang anak.

"Maraming salamat sa mga doktor na walang sawang gumabay sa anak namin. Sa mga tumulong at patuloy na tutulong," sabi ni Riza Estampador. -- FRJ, GMA News