Nasawi ang isang ginang at anak niyang isang-taong-gulang matapos na sumalpok sa kanilang bahay ang isang truck sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental. Limang iba pa ang sugatan sa aksidente.
Sa ulat ni Aileen Pedreso ng GMA Regional TV sa GMA News Saksi nitong Miyerkoles, sinabing halos mawasak ang bahay ng mga biktima sa Barangay Pandanon matapos tumbukin ng truck na may kargang mga buhangin.
Ayon sa pulisya, sinabi ng driver ng truck na nawalan ng preno ang sasakyan kaya bumangga siya sa bahay.
“Sa investigation na nakuha ng ating pulisya, nag-malfunction ang brake doon sa area kung saan sana siya liliko. Hindi nakontrol ng driver [ang truck],” sabi ni Police Captain Judesses Catalogo, Spokesperson, NOCPPO
Maliban sa nasawing mag-ina, limang iba pang nakatira sa bahay ang nasugatan.
Ayon sa ama ng isa sa mga biktima, natutulog ang ibang biktima nang mangyari ang insidente.
Hinihintay pa ng pulisya ang desisyon ng kaanak ng mga biktima kung magsasampa ng reklamo laban sa driver. – FRJ GMA News
