Tatlo ang patay at 78 ang inaresto, kabilang ang isang suspek na nahulihan ng P1.7 milyong halaga ng umano'y droga, sa dalawang araw na magkakasunod na operasyon kontra droga sa Cavite.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang pag-aresto kay Zandro Oñate, isa sa mga notoryus umanong tulak sa Cavite, nang sunggaban siya ng mga tauhan ng General Trias Police.

Nakumpiska sa kaniya ang aabot sa P1.7 milyong halaga ng shabu.

Hindi nagbigay ng pahayag si Oñate.

"Isa siya sa mga malalaking supplier ng ilegal na droga dito sa GenTri, sinabi rin niya na kumukuha siya ng source doon sa Pasay," sabi ni Police Colonel William Segun, Provincial Director, Cavite PPO.

Dalawa namang notoryus na tulak umano ang nasawi sa operasyon ng Imus Police matapos manlaban daw.

Kabilang dito si Eduardo Sico na may warrant of arrest sa kasong murder.

"Itong pinaka prime suspect natin ay listed as highk value target at isa sa pinakamalaking nagsu-supply ng droga dito sa Imus... Puspusan ang ating operation laban sa iligal na droga para hindi maimpluwensiyahan ng illegal drug trade itong mga estudyante natin, alam naman natin na malapit na ang pasukan," sabi pa ni Segun.  —NB, GMA News