Naantig ang maraming netizens sa mga litrato na kuha sa isang burol kung saan makikita ang 5-taong gulang na bata na tumabi sa kabaong ng yumaong ama, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkules.

Dahil sa pagkamatay ng kanyang ama sa isang aksidente nitong Sabado, ulilang lubos na ang batang si Yvo dahil namayapa na rin ang kanyang ina noong pitong buwang sanggol pa lang siya.

Ayon sa lola ng bata na si Nelly Sumaylo, excited pa naman daw ang mag-ama na mag-aaral na si Yvo at inaasahan din daw ng bata na ang kanyang Papa Tin ang maghahatid sa kanya sa eskwelehan.

“Excited talaga kasi 'yun lang ang anak niya e. 'Yun lang babantayan niya, 'yun lang ihahatid niya, 'yun lang susunduin niya. 'Yun lang talaga binibigyan niya ng atensiyon e, 'yung anak niya. Kaya paano na ngayon?” sabi ni Sumaylo.

Nag-iisang anak lang ng yumao nang mag-asawa si Yvo. Kaya ramdam daw talaga ng mga kaanak ni Yvo ang kanyang pangungulila.

“'Yung apo ko kasi, kapag madaling araw kami-kami na lang dito sa burol ng anak ko, lumalapit sa kabaong. Siguro nami-miss 'yung papa niya dahil araw-araw sila magka-bonding,” kuwento pa ng lola niya.

Nakunan ng tiyuhin ni Yvo na si Marco Andres ang tagpong nasa nag-viral na mga litrato nang napansin niyang kumuha ng upuan ang 5-anyos niyang pamangkin para tabihan ang kabaong ng ama.

“Nag-uusap kami ng mga tito niya sa mother's side dito. Then nagulat ako kasi he grabbed a chair. Siya mismo 'yung nagdala ng chair sa may kabaong katabi ng papa niya. Then umupo siya. So nagulat kami,” kuwento ni Andres na nag-upload ng mga nag-viral na litrato ni Yvo sa Facebook.

“Lumapit ako actually. ‘Yvo, anong ginagawa mo diyan?’ ‘Dito lang ako kasi kawawa naman si Papa Tin e. Dito muna ako. Dito ako lalaro sa tabi niya,’” dagdag pa ni Andres.

Paulit-ulit na sinisilip ni Yvo ang kanyang ama sa kabaong.

“Tinitignan ko po. Kasi wala na po siya. Andun na po siya sa heaven kasama niya sila Nanay. Nami-miss ko na po siya,” sabi ni Yvo.

Nakatakdang ilibing ang Papa Tin ni Yvo sa Linggo.

Kinabukasan ng Lunes, kailangan nang pumasok ni Yvo para sa unang araw niya sa eskuwelahan bilang kinder student. Pero wala pa ring nabibiling gamit pang-eskuwela para sa kanya hanggang sa ngayon.

Ayon kay Yvo, pangarap daw niya maging artista.

Pero sa ngayon, katulad ng mga nakunan sa mga nag-viral na mga litrato, susulitin muna ni Yvo ang mga huling sandali na masisilayan niya pa ang kanyang Papa Tin at makapaglaro sa tabi nito. —Joviland Rita/KG, GMA News