Balak sundan ng Food and Drug Administration ng dagdag na pag-aaral ang natuklasan ng isang high school student mula sa Iloilo na puwedeng maging gamot at lunas sa diabetes ang madalas na hindi pinapansin na aratiles.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes,  ang 16-anyos na si Maria Isabel Layson, ang unang nagsagawa ng pag-aaral at nakatuklas na mayroon umanong bioactive component, anti-oxidant activity at anti-diabetic properties ang jamaican cherry o aratiles.

Maaari raw nitong labanan ang type 2 diabetes dahil sa mataas ang anti-oxidant content nito.

Nagkaroon ng interes si Layson na pag-aralan ang aratiles dahil nagkalat daw ito sa kanilang komunidad.

"There are actually a lot of plants that are found abundant in our locality. For me, I only studied the aratiles. There must be a reason of the abundance of these plants," saad niya.

"Nature is very intelligent. I want other aspiring researchers like me to study other plants found in their localities," dagdag ng dalagita.

Umaasa raw si Layson na magiging inspirasyon ang kaniyang pag-aaral sa pag-develop ng mga mura at alternatibong lunas sa sakit.

Ang naturang ginawang pag-aaral ni Layson sa aratiles ay kinilala Best Individual Research in Life Science ng Department of Education ngayong taon.

Isa rin ito sa mga research na kumatawan sa Pilipinas sa 2019 International Science and Engineering Fair sa Arizona, USA.

Ipinagmamalaki ng Food and Drug Administration ang mga batang scientist gaya ni Layson. Balak din daw ng ahensiya na magkaroon ng karagdagang pag-aaral sa natuklasan ng dalagitang estudyante.

"Next step talaga nito is to isolate itong mga compounds na ito o mga molecules na ito tapos gawan nating ng testing," sabi ni Usec. Enrico Domingo, OIC-FDA.

Dagdag niya, "Kung yung initial test natin show promise, I'm sure the government will also help and encourage and maybe even fund research." -- FRJ, GMA News