Likas na malikhain at palabiro ang mga Pilipino, kaya pati ang pagiging sawi sa pag-ibig ginawa na ring katuwaan sa pamamagitan ng mga hugot lines.

Sa ulat ni Katrina Son sa Balitanghali ng GMA News nitong Linggo, nagpapaliman ng hugot ang ilang mga netizens.

"Lola, nag-chat siya sa akin. Sabi niya miss niya ako," sabi ng isang lalaki na tampok sa video ni Jerry Vistal.

Pero ang sagot ni Lola, "Miss ka lang. Pero hindi ka mahal."

Kahit ang mga naka-duty sa trabaho hindi nagpahuli sa paghugot. Sa video ni Joren Sarra Oro, tampok ang mga mandaragat sa loob ng control room ng barko.

"Steady!" sabi ng isa sa kanila.

"Steady naman ako sa kaniya, sir. Pero iniwan pa rin niya ako."

Pati rin ang mga nasa bakasyon para mag-swimming, hindi nagpakabog sa paghugot. Sa video ni Josh Barcelon, pinaalalahanan lang naman na mag-ingat sa pagtalon sa mabatong tubig, pero nagawa pa ring humugot nang malalim.

"Baka tumama ka sa maling bato."

"Okay lang, kuya. Na-fall na ako sa maling tao," sabay talon sa tubig. — Joviland Rita/BM, GMA News