Karaniwang maraming natitirang pagkain kapag may malaking handaan gaya ng media noche tuwing sasalubungin ang Bagong Taon. Ang tiring pagkain, ilalagay sa refrigerator at iinitin na lang kapag may kakain. Pero hanggang ilang araw lang ba dapat nasa ref ang tirang mga pagkain para maiwasan ang food poisoning? Alamin.

Sa ulat ni Jasmien Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nagbabala ang health authority tungkol sa paulit-ulit na pagpapainit ng pagkain at matagal na pag-iimbak nito dahil posible itong magdulot ng food poisoning.

“Ang isa sa pinaka-common na reason kung bakit napo-food poison ang ating mga kababayan ay dahil sa maling preparation at pagkasira ng ating mga pagkain,” ayon kay Dr.Rheuel Bobis, spokesperson, CHD-1.

Maaari lamang umanong iimbak sa refrigerator ang mga tirang pagkain sa loob ng tatlo hanggang apat na araw.

Matapos ang apat na araw na nakalagay sa ref, mas mataas na umano ang posibilidad ng food poisoning kapag kinain muli ito kahit initin muli.

Mas makabubuti umano kung sa freezer na ilalagay ang tirang pagkain dahil magiging mas matagal ang shelf life ng pagkain sa naturang bahagi ng ref.

“Iwasan na natin kainan yung mga nakikita na natin na parang may kakaibang amoy or may kakaibang panlasa. At higit sa lahat, huwag natin i-store sa room temperature yung mga pagkain,” paalala pa ni Bobis.

Ayon sa ulat madalas umanong hindi napapansin ang pagbabago sa lasa, amoy at hitsura ng pagkain kapag kontaminado ito ng bakterya. Kaya delikadong kainin ang mga pagkain na matagal nang nakalagay sa ref.

Maiiwasan din umano ang food poisoning basta tama ang food handling o paghahanda sa pagkain.

Samantala, sa isang post ng GMA News, nakasaad ang ilang paalala umano mula sa United Stated Department of Agriculture (USDA) tungkol sa pag-iingat sa tirang pagkain.

Dapat umano na tatlo hanggang apat na araw din lang iimbak sa ref ang natirang mga pagkain.

Kapag kakainin, maaari umano itong painitan muli ng hanggang sa temperature na 74°C (165°F) upang matiyak na ligtas itong kaininan.

Kung may tira pa rin, dapat naman daw itong ibalik sa ref pagkaraan ng dalawang oras na nasa labas upang maiwasan ang pagkasira.

Pagkatapos ng bawat pag-init, bumababa rin daw ang kalidad ng pagkain.

FRJ GMA Integrated News