Humantong sa rambulan ang pagsalubong sa Bagong Taon ng ilang taga-Datu Piang, Maguindanao del Sur, dahil umano sa ingay ng mga motorsiklo. Isang kasali sa suntukan ang sugatan matapos siyang mabaril ng isang lalaking umaawat.

Sa ulat ni Efren Mamac ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video ng kaguluhan sa Barangay Poblacion na sumabay sa putukan at ingay ng mga motorsiklo nitong salubong sa Bagong Taon.

Sa isa pang hiwalay na video, nakunan na isang lalaking naka-itim na t-shirt ang umawat sa suntukan ng dalawang lalaking naka-puting t-shirt. Ngunit ilang saglit lang, nagpaputok ng baril ang lalaking umaawat, bago tumakbo palayo at sinundan ang ibang kasamahan nito.

Tinamaan ang isa sa mga lalaking nakikipagsuntukan, na nilapitan ng mga tao bago dinala sa likod ng isang sasakyan at isinugod sa ospital.

“May isang lalaki roon na binaril. Hindi naman po siya namatay. Agad naman siyang naisugod sa malapit na pagamutan,” sabi ng saksing si Jam Sema.

Naawat ng pulisya ang kaguluhan sa tulong ng mga tanod at iba pang opisyal ng barangay.

Ayon sa uploader, mitsa ng gulo ang mga nagpapaingay ng mga motorsiklo.

“Sa aming mga Muslim, hindi po uso sa amin ang New Year o pagse-celebrate ng bagong taon. Ngayon po kasi, ‘pag bagong taon po sa amin, ang madalas po na ginagawa po ng kabataan sa amin o mga kalalakihan ay nagbobombahan po ng motor. ‘Yun po ‘yung marahil na naging dahilan po kung bakit po nagkaroon po ng rambulan,” sabi pa ni Sema.

Dagdag ng pulisya, posibleng nairita ang mga tao dahil sa sobrang ingay ng mga motorsiklo. 

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad, habang sinusubukan pang makunan ng pahayag ang mga sangkot sa insidente. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News