Hindi dahil sa galit, kundi tila sumabay sa New Year at literal na pumuputok ang nilutong buchi ng isang Pinay na nasa Indonesia. Bakit kaya pumutok ang kaniyang buchi?

Sa ulat ni Kuya Kim sa 24 Oras Weekend, mapanonood na mainit-init pa, ngunit pumuputok ang mga nakahaing buchi ni Pearly Queen Lebajan.

“Hindi po ito ang first time na nagluto ako ng buchi. Mahigit na limang beses na pagprito ko, nag-golden brown na siya as usual. Nung nilagay ko na sa plato at ayun nagsiputukan,” kuwento niya.

“Naka-video po ang entire process pero hindi ko po inupload. Kasi epic fail. Pinutol ko ‘yung video doon lang sa banda na pumutok ‘yung mga buchi at in-upload. Hindi ko akalain na sa lahat ng videos na inupload ko ‘yun pa ang magba-viral,” sabi niya.

May paliwanag ang isang physicist kaya literal na pumutok ang buchi na handa ni Pearly.

“Yung glutinous rice flour, kaya niya kasi mag-absorb ng water. Tapos lalagyan ng palaman, dadagdag pa ‘yun. ‘Yung kaniyang pinaka-dough, mataas ‘yung moisture content niyan. ‘Pag tumaas ‘yung heat doon, iko-convert niya ‘yung moisture, ‘yung small amount of water na ‘yun into steam. Maghahanap sila ng way to escape. Ang mangyayari, mag-e-expand ‘yung buchi. ‘Yung usual reaction ay puwede mag-burst,” sabi ng physicist na si Ryan Victorio.

Isang patok na meriendang Pinoy ang Buchi na hango sa Chinese delicacy na Jian Dui.

Likha ito sa malagkit na glutinous rice flour na pinirito at saka binudburan ng sesame seeds.

Sinasamahan din ito ng lotus seed paste, black bean o red bean paste at mung bean paste.

Sa pagdaan ng panahon, nagkaroon na ng iba't ibang bersiyon ang buchi, na sumisimbulo ng good luck at prosperity sa Chinese culture dahil sa bilog nitong hugis.

Kaya naman karaniwan itong hinahanda tuwing Lunar New Year at iba pang okasyon. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News