Inatasan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang presidente at board members ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na magsumite ng kanilang courtesy resignations kasunod ng umano'y anomalya tungkol sa pagbibigay ng ayuda sa mga pasyenteng sumailalim sa kidney dialysis.
Ayon kay Senator-elect Christopher “Bong” Go, kabilang sa mga pinagbibitiw ni Duterte si Philhealth President Roy Ferrer.
Sinabi ni Go, dating Special Assistant to the President, na hihilingin niya kay Duterte na balasahin ang Philhealth.
Nauna nang sinabi ni Duterte na pupulungin niya ang mga opisyal ng Philhealth sa Malacañang sa Lunes.
Inihayag din ni Duterte nitong Sabado na hindi siya nagdududa sa integridad ni Ferrer dahil kabilang ito sa mga nagsulong na habulin ang mga sangkot sa katiwalian.
Iniutos ni Duterte na kasuhan ang mga taga-Philhealth na mapapatunayang sangkot sa anomalya.
Inatasan din niya ang National Bureau of Investigation to na arestuhin ang mag-ari ng WellMed Dialysis & Laboratory Center Corp., na sangkot umano sa "ghost" dialysis scam.
Nitong nakaraang linggo, isiniwalat ng dating mga tauhan ng WellMed Dialysis & Laboratory Center Corp. na patuloy umanong naniningil sa Philhealth ang kanilang kompanya para sa dialysis kahit namatay na ang pasyente.—FRJ, GMA News
