Pinawalang-sala ng Parañaque City court si Ramon Joseph Bautista at limang iba pa kaugnay sa pagpatay sa aktor na si Ramgen Revilla noong 2011.

Sa desisyon ng Parañaque Regional Trial Court Branch 274, inabsuwelto nito si Bautista, Michael Jay Nartea, Roy Francis Tolisora, Glaiza Visda, Jay Norwin dela Cruz, at Ryan Pastera dahil sa kakulangan umano ng ebidensiya.

Iniutos ng korte na palayain na ang mga akusado maliban na lang kung may iba pa silang kinakaharap na kaso.

Samantala, naglabas naman ng "alias warrant of arrest" ang korte laban kay Ma. Ramona Belen Bautista, kapatid din ni Ramgen, na patuloy na pinaghahanap.

Bubuksan umano ang kaso laban kay Ramona kapag naaresto na ito, ayon sa korte.

Matatandaan na pinasok sa bahay sa Parañaque si Ramgen kung saan siya sinaksak at binaril. Sugatan din ang kasintahan niyang si Janelle Manahan.

Si Ramgen ay anak ng dating action star at dating senador na si Ramon Revilla Sr.—FRJ, GMA News