Pinaghahanap ngayon ang isang beautician matapos umanong magnakaw sa isang parlor sa Yuseco Street, Tondo, Maynila.

Batay sa kuha ng CCTV, pumasok ang suspek na si alyas Pia sa Reinzylern Salon ng madaling araw at nakita niyang natutulog ang trabahador na si alyas Jayvee.

Nilapitan ito ng suspek at dahan-dahan na kinuha ang pera sa bulsa ni Jayvee.

Nakaramdam si Jayvee kaya nagising ito at kinausap si Pia.

Nagkasagutan sila at inamin ng suspek ang pagnanakaw.

Makalipas ang ilang araw, bumalik umano ang suspek at sinira ang kaha, ninakaw ang pera at ilang mga gamit gaya ng gunting, blower, plantsa ng buhok at marami pang iba na nagkakahalaga ng sampung libong piso.

Ayon sa manager ng parlor, dati ng sinibak sa trabaho ang suspek noong 2016 dahil sa pagnanakaw rin.

Pinatawad naman ito kaya bumalik nitong buwan ng Hunyo.

Nabatid na palipat-lipat ang suspek sa ibang mga parlor sa Maynila.

Nagbabala naman ang manager sa iba pang may-ari ng parlor na mag-ingat sa pagkuha ng mga tao. — BAP, GMA News