Isang tricycle driver na naghihintay ng pasahero sa mataong lugar ang pinagbabaril hanggang sa mapatay sa Caloocan City nitong Martes ng gabi. Pitong bystander naman ang nasugatan nang magpaputok ang mga salarin habang tumatakas.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang pamamaril sa biktima si Adrian Ramirez Cruz, 25-anyos, Langit Road sa Barangay 176, dakong 7:00 p.m.

Kaagad na nasawi ang biktima dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa pulisya, bago tumakas ang mga salarin ay nagpaputok pa ang mga ito na dahilan para masugatan ang pitong bystander na pawang dinala sa ospital.

Dahil hindi naman malubha ang kanilang sugat, nakalabas na umano ng ospital ang iba sa kanila.

Hindi naman nakilala ang mga salarin dahil naka-bonnet umano ang mga ito.

Patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya tungkol sa motibo sa krimen.

Sa panayam ng GMA News TV "QRT" kay Police Colonel Noel Flores, hepe ng Caloocan police, sinabi nito na nasangkot sa droga noong nakaraang taon ang biktima at nakalaya ito dahil sa piyansa.

Tinitingnan din umano ng pulisya ang impormasyon na ibinigay ng pamilya ng biktima tungkol sa nakaalitan nito dahil sa biniling ipod na hindi raw gumagana.

Iimbestigahan din umano ang posibilidad ng iringan sa hanay ng mga tricycle driver dahil napag-alaman na kolorum ang tricycle na ipinapasada ng biktima.--FRJ, GMA News