Minolestya ang isang 17-anyos na dalagita sa Pasig matapos siyang dalhin sa motel ng isang call center agent na nagpanggap na talent scout.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA "24 Oras" nitong Huwebes, nagkakilala sa social media ang dalawa at naengganyo ng suspek na si Ryan Abueva ang menor de edad sa alok na raket sa pagmomodel.
"Sabi ko, ano po ba requirements? Sabi, wala daw po, kailangan ko lang daw maipasa ang screening, medical, saka po 'yung contract. Pag naipasa ko, magbibigay daw siya ng contract sakin na in 6 months nga daw po, 'yung 20k daw po, gluta tapos 'yung gym," salaysay ng biktima.
Itinakda raw ni Abueva sa isang motel ang photo shoot pero lumabas na ang tunay niyang motibo nang makapasok na sila ng dalagita sa kwarto.
"After 15 minutes po bigla niya po ako inutusan maghubad daw po ako sa harap niya. Nu'ng hindi ko na po siya sinunod, bigla niya po ako tinulak doon sa higaan tapos bigla niya po ako pinuwersa. Doon na po niya sinimulan yung panghahalay niya sa akin,” ayon sa biktima.
Nahuli sa follow-up operation si Abueva na umamin sa ginawa niyang pang-aabuso sa dalagita.
Inamin niya ring marami na siyang nabiktima gamit ang kaparehong modus.
"'Yun na po talaga ang nasa sarili ko, palagi ko iniiisip po. Hindi naman siya totally addiction, parang hinahanap-hanap ko lang po. Parang naging habit ko na po," paliwanag ng suspek.
Napag-alaman din ng pulisya na nadawit na rin si Abueva sa isang kaso ng rape sa Siquijor. —Dona Magsino/LDF, GMA News
