Arestado ang isang lalaki sa Sta. Rosa, Laguna na nagpapatay umano sa bagong nobyo ng kaniyang dating kasintahan.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA "24 Oras" nitong Huwebes, nakunan ng CCTV ang pamamaril ng riding-in-tandem sa 21-anyos na biktimang si Mark Joseph Rosalejos noong Agosto 2018.

Dead on the spot ang biktima na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa dibdib at likod.

Makalipas ang sampung buwan, nahuli ng pulisya ang 37-anyos na mastermind umano sa krimen na kinilalang si John Paul Acuña.

Love triangle ang ugat ng pagpapapatay sa binata, ayon sa mga awtoridad.

"May mga witnesses po tayo na bago maganap ang krimen... nakita po ang ating suspek na pumunta at hinahanap ang ating biktima. At marami ding nai-present na text messages na nagbabanta sa buhay ng ating biktima at sa girlfriend na ex-girlfriend din ng ating suspek," paliwanag ni Police Lieutenant Colonel Eugene Junsay Orate, hepe ng Sta. Rosa City Police.

Itinanggi naman ni Acuña ang paratang at iginiit na nasa malayong lugar siya nang mangyari ang krimen.  —Dona Magsino/NB, GMA News