Nangangamba ang ilan sa mga mangingisda ng F/B Gem-Ver 1 na binangga ng barkong Tsino sa Recto Bank na maaaring maudlot ang tulong sa kanila ng gobyerno sa pagbibitiw ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita na sinubukan na ng mga Pilipinong mangingisda ang kakayahan ng mga bangkang ibinigay sa kanila sa dagat at sinalubong ang malalakas na alon.

Bago nito, sinubukan na rin ang mga bangka ng mga taga-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Ang ilan sa mga mangingisda ay ngayon lamang nagkaroon ng sariling bangka.

"Okay naman po, kahit maalon," ayon sa mangingisdang si Frederick Roldan.

"'Yung sa akin lang ay mapakinabangan lang namin sa hanapbuhay," sabi ng mangingisdang si Bernel Agustin.

Ngunit limitado lamang ang kayang puntahan ng mga bangka kaya limitado rin ang maaari nilang mahuling isda, hindi tulad ng nasirang F/B Gem-Ver 1.

Mabuti na aniya ito kaysa wala. Wala namang makapagsasabi kung kailan mapapatakbo muli ang F/B Gem-Ver 1.

Inaalala ng may-ari ng bangka ang pagbibitiw sa pwesto ni Piñol.

"Kinakabahan na po dahil siya po 'yung isang nangako na tutulong sa amin," sabi ni Arlinda dela Torre, may-ari ng F/B Gem-Ver 1.

Nagbitiw sa pwesto si Pinol nitong Huwebes.  Pinag-iisipan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ililipat siya sa Mindanao Development Authority.

Sinabi ng BFAR, ang ahensyang nangangasiwa sa pagbibigay tulong sa mga mangingisda, na wala silang dapat ipangamba.

"Wala naman instruction sa akin na 'Toto hintuan mo na ang pag-asikaso sa ating 'yung na ram, ibig sabihin tuluy-tuloy pa rin ang suporta natin," sabi ni Elizer Salilig, regional director, BFAR MIMAROPA

Bukod dito, nakatanggap din ng P1.2 million na tulong ang mga mangingisda mula sa Federation of Filipino-Chinese Chambers Of Commerce And Industry, Inc.

Para ito sa pagpapagawa ng nasirang bangka at P250,000 na livelihood assistance.

Walang naging epekto sa trade relations ng Pilipnas at Tsina ang banggaan sa Recto Bank, ayon sa FF-CCC-II.

"The FF-CCC-II, also as a Filipino business and civic organization, we give the assistance to our fellow countrymen in distress, the fishermen and the fishing boat owner and the families. [We hope] that this humanitarian act can help alleviate the upright." sabi ni Dr. Henry Lim Bon Liong ng FF-CCC-II.

"Nagpapasalamat po kami sa Filipino-Chinese community," sabi ni Junel Insigne, kapitan ng F/B Gem-Ver 1.

Ayon pa sa ulat, babalik ang mga mangingisda sa Recto Bank kapag nakumpuni na ang F/B Gem-Ver 1 dahil ito ang paraan para makalimutan nila ang kanilang karanasan sa mga Tsino na bumangga sa kanila, at bumalik din sa normal ang kanilang kabuhayan. —Jamil Santos/ LDF, GMA News