Naaresto na ng mga awtoridad ang lalaking nakita sa isang dashcam video na nag-viral na nanghaharang at nanggagasgas ng sasakyan sa EDSA kapag hindi binigyan ng limos.
Nakilala ang suspek na si Richard dela Cruz, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Nahuli ang suspek na tumitiyempo raw sa mga motorista sa Juan Luna Street sa Villamor, Pasay City.
Nakuha mula sa suspek ang isang balisong bukod pa sa bato.
Ayon sa Pasay Police, may tumawag sa kanilang himpilan na may namamato raw sa may Manlunas Street, Barangay 183, Villamor, Pasay City kaya agad daw pinuntahan ito ng kapulisan.
Sa dashcam video na naging viral noong isang linggo, nakuhanan si dela Cruz na humarang sa isang sasakyan sa EDSA, Mandaluyong City at humihingi ng limos.
Ipinakita nito ang hawak niyang bato.
Nang magbigay ang motorista ng barya, sinabi ng suspek na gusto niya ng P100.
Pinilit umano ng suspek na ipasok ang kamay nito sa bintana ng sasakyan nang hindi siya bigyan ng hinihinging P100.
Dalawang beses pinukpok ng suspek ang windshield ng sasakyan at ginasgasan ang pinto gamit ang bato.
Ayon sa suspek, nagawa lamang niya ito dahil sa tama ng solvent.
Humingi ng tawad ang suspek sa kanyang mga nabiktima.
Nakapiit ang suspek sa Pasay Police habang inihahanda ang mga reklamong isasampa laban sa kanya. —KG, GMA News
