Sinampahan ng reklamo ang Philippine National Police – Highway Patrol Group (HPG) ang isang lalaki na nagpanggap umano na “force multiplier” at nakita sa viral video na ilegal na nagbibigay ng traffic violation ticket sa isang motorista.
“We have already taken action. As of now, we have filed a case of usurpation of authority,” sabi ni HPG Deputy Director for Operations Police Colonel Bernard Marzal sa press briefing tungkol sa insidente.
Nag-ugat ang insidente sa isang video na ini-upload sa social media noong Marso 17 na makikita ang isang lalaki na umano’y nasa Guiguinto, Bulacan, na nakasuot ng uniporme na may markang “HPG,” at nagpapanggap na traffic enforcer kahit hindi siya awtorisado, ayon sa HPG.
Agad na nagsagawa ng validation at verification ang tanggapan matapos na kumalat ang video online. Ayon sa HPG, walang proper identification ang lalaki at wala ring suot na standard safety gear tulad ng helmet habang nasa kalsada.
Nilinaw din ng HPG na tanging mga awtorisadong tauhan lamang ang maaaring magpatupad ng mga batas trapiko at mag-isyu ng mga citation tickets alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Kahit ang mga accredited “force multiplier” o volunteers ay hindi umano pinahihintulutang magsagawa ng enforcement functions tulad ng pagbibigay ng tiket o paghuli sa mga lumalabag sa batas trapiko.
Ayon sa pulisya, nakikipag-ugnayan sila sa organisasyong konektado sa indibidwal upang tukuyin ang pananagutan at posibleng administrative sanctions.
Binigyang-diin ng mga awtoridad na bagama’t may ilang grupo na kinikilalang force multipliers, limitado ang kanilang tungkulin at saklaw ito ng mahigpit na alituntunin, kabilang ang wastong rehistrasyon at regular na pag-renew ng akreditasyon.— Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

