Para hindi sumirit ang presyo ng imported rice, pabor si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mungkahing lagyan ito ng price cap o limit sa presyo, ayon sa Palasyo.
Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, na iminungkahi ng Department of Agriculture sa National Price Coordinating Council na magpataw ng P50 price cap per kilo sa imported rice.
“Actually, sabi po ni Secretary Kiko Laurel ay nagbigay na po sila ng rekomendasyon sa National Price Coordinating Council para magkaroon ng deliberation patungkol dito. At ang kanilang price cap na isinangguni ay P50 for imported rice,'' ani Castro.
''So, ito po ang ibinigay din na mungkahi ni Secretary Kiko Laurel kay Pangulo, so ito naman ay sinusuportahan,'' dagdag niya.
Plano ng Department of Agriculture na magpatupad ng P50 na price cap sa imported na bigas matapos nilang mamonitor ang hindi umanong makatwiran na pagtaas ng presyo ng produkto.
Iniuugnay ang paggalaw ng presyo nito sa posible umanong pagsasamantala ng ilang negosyante sa nangyayaring pagsipa sa presyo ng krudo sa world market dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., napansin ng ahensya na may ilang retailer na nagbebenta ng imported na bigas sa halagang P55 hanggang P58 kada kilo.
Kabilang sa mga hakbang ng DA upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo ng bigas ay ang pagbibigay ng suplay na nagkakahalaga ng P45 hanggang P48 kada kilo sa ilang pamilihan. — Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News

