Pinayuhan ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Martes ang mga taong nais "magpalakas" sa kaniya na huwag nang "sumipsip" sa pamamagitan ng kung anu-anong gimik. Kasabay nito, pinaalis din niya ang kaniyang pangalan at iba pang politiko sa proyektong inilagay sa mga pampublikong paaralan.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing sa harap ng kampanya ni Moreno na linisin ang mga kalsada at bangketa ng lungsod, naging kapansin-pansin ang pagsulpot ng mga mga asul na tent sa puwesto ng mga vendor.

Sa Plaza Miranda at kalapit na kalye, nakasilong ang mga vendor sa mga asul na tent sa mga gilid na hindi nakasasagabal sa kalsada.

Ayon umano kay Moreno, sa simula pa lang daw ng kaniyang termino ay napansin na niya pagsulpot ng mga asul na tent.

Pero paglilinaw niya, wala raw siyang basbas sa mga ito.

"My favorite color is blue. It's known to public, our political color, politically speaking, is blue and white. Now, are they authorized? they are not," sabi ng bagong alkalde ng Maynila.

Ang nasa isip ni Moreno na may pakana ng mga blue tent, mga taong gustong sumipsip sa kaniya o mga kalaban niya.

"Huwag na kayong bumili ng tent na blue para i-please ako. Huwag na kayong maglinya-linya ng blue. 'Wag na kayong sisipsip sa akin, 'yun lang 'yan," giit niya.

Dahil sa kampanya niya na alisin ang mga vendor sa mga kalsada, at pagsisiwalay niya na may nagtangka sa kaniyang manuhol ng P5 milyon bawat araw na tinanggihan niya, hindi maalis na posibleng may mag-isip sa kaniya ng masama.

Pero ayon sa alkalde, ipinagpapasa-Diyos na lang ang lahat. Dagdag niya, may mga anting-anting naman daw bilang pangontra sa mga magtatangka sa kaniya nang masama.

"Pinagpapasa-Diyos ko. Meron naman ako [proteksyon] si Papa Jesus. Dala-dalawa pa nga anting-anting ko eh," masayang sabi ng alkalde habang ipinapakita ang kuwintas niyang krus at rosaryo sa braso.

Samantala, pinulong din ni Moreno ang Manila City School Board para ipagbawal ang paglalagay ng pangalan ng mga pulitiko sa mga paaralan.

"Pinabubura ko, pinatatanggal ko [mga pangalan ng mga politiko]. Ultimo pangalan ko at pangalan ng mga politiko na naka-welding, nakapintura, nakakabit sa mga eskuwelahan," sabi ng alkalde.

Paliwanag niya, pera ng mga tao ang ginagamit sa mga proyekto at hindi pera ng politiko.-- FRJ, GMA News