Nang dahil umano sa masamang tingin, nagkarambulan ang mga vendor sa Villalobos sa Quiapo, Manila, na nahuli-cam nitong Linggo ng gabi.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita sa CCTV ang vendor na si Antonio Batol na naglalakad sa kalye at bigla na lang sinugod ang kapwa vendor na nasa gilid ng kalsada na si Reggie Partolan.

Maya-maya lang, uminit na ang pagtatalo ng dalawa kahit may mga umaawat na sa kanila. Pero sa halip na pumayapa, lalo pang tumindi ang sitwasyon at nakasama na rin sa gulo ang iba pang vendor.

Nagkaroon ng habulan, may naglabas ng patalim, nagkapaluan ng silya, at suntukan.

Natigil  lang ang gulo nang dumating ang ilang opisyal ng barnagay at inawat ang mga vendor.

Sa tanggapan ng barangay, sinabi ni Batol na sinugod niya si Partolan dahil hindi raw niya nagustuhan ang tingin nito sa kanya.

Bagaman wala sa paghaharap si Partolon, nandoon naman ang kaniyang asawa, na kinausap din ng opisyal ng barangay.

Nagkaayos na ang magkabilang panig na dati na umanong may alitan.

Babala sa kanila ng barangay, papaalisin sila sa pagtitinda sa lugar kapag muli silang pinagmulan ng gulo. --FRJ, GMA News