Animnapu't limang bata ang na-rescue ng Manila Police sa magdamag nitong Lunes at Martes sa Sampaloc at Binondo.

Labing-walo sa kanila ay na-rescue sa Sampaloc at 47 naman sa Binondo.

Pitong taong gulang ang pinakabata sa mga na-rescue.

 

 

Sa España Boulevard, dali-daling tumakbo ang mga pulis nang mamataan ang mga solvent boys mag-aalas dose ng hatinggabi.

Mabilis na nakasampa sa center island ang mga bata kaya isa lang ang naabutan ng mga pulis.

Ang dalawa niyang kasamahan ay natagpuang nagtatago sa isang bakanteng lote malapit sa España Boulevard.

Ang isa sa kanila amoy solvent pa.

 

 

Bukod sa mga solvent boys, ni-rescue rin ang mga menor de edad na tambay sa mga kalye kahit dis oras na ng gabi.

Ayon sa mga pulis, inilalayo lang nila sa kapahamakan at krimen ang mga batang ni-rescue.

"Minsan po 'yung iba pong mga kabataan, nanlilimos then 'pag may chance na, manghahablot po 'yung snatching, gano'n po. And 'yung iba nagso-solvent po," sabi ni Police Captain Edwin Fuggan, commander ng Lacson Police Community Precinct.

"'Pag ito po ay naulit po ulit ang gagawin po natin ay 'yung mga magulang naman po ang ipapatawag natin," aniya.

 

 

Nai-turn over na ang mga bata sa Department of Social Welfare and Development at pauuwiin lang kung may susundong guardian o magulang.

Ayon sa mga pulis, aaraw-arawin nila ang pagre-rescue sa mga batang lansangan alinsunod na rin sa utos ni Manila Mayor Isko Moreno. —KG, GMA News