Kalunos-lunos ang sinapit ng isang-taong-gulang na lalaki sa Makati City na natagpuang patay at hinalay ng suspek, na bisita ng kaniyang lolo na nagdiwang ng kaarawan.

Sa ulat ni Cecile Villarosa sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing nakita ang bangkay ng sanggol sa isang abandonadong gusali sa Yakal street sa Barangay San Antonio nitong Martes ng gabi kung saan nakatira ang pamilya ng biktima.

Ang suspek na isang construction worker, na katrabaho ng tiyuhin ng nanay ng bata.

Inimbitahan daw ang suspek sa bahay dahil kaarawan ng lolo ng biktima.

Pero makalipas ng masayang salo-salo, hindi na makita ang sanggol hanggang sa matagpuan ito sa isang kuwarto sa ikapitong palapag ng gusali.

Wala na raw diaper ang bata, sando na lang ang suot at nadaganan pa ng mga kahoy.

May pasa rin daw ang bata sa noo at malamig na ang katawan nito.

Kaagad na dinala ang bata sa ospital pero wala na itong buhay.

Dahil maraming nakakita na ang suspek ang huling nakasama ng bata, hindi na ito pinaalis sa lugar ng mga kapitbahay at tuluyang inaresto.

Sa autopsy sa katawan ng bata, lumabas na basag ang bungo ng biktima, bali ang balakang at ginahasa.

Nang tanungin sa himpilan ng pulisya ang suspek, inamin niya ang nagawang krimen na dala raw ng labis na kalasingan.

Isasailalim din ang suspek sa drug test, at inihahanda na ang reklamong ihahain laban sa kanya.--FRJ, GMA News