Patay ang isang lalaki nang pagbabarilin habang nasa burol ng kaanak sa Maynila.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Joel Aquino, na pinagbabaril ng nakamotorsiklong mga salarin dakong 4:45 ng hapon habang nasa burol sa may kahabaan ng Quezon Boulevard, Quezon City.

Ang pinaglalamayan nang maganap ang pamamaril, ay ang tiyuhin ng biktima na si Juanito Baful na binaril din noong nakaraang Lunes ng madaling araw sa kaparehong lugar.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang dalawang salaring nakamotorsiklo na huminto sa tapat ng burol at saka pinagbabaril ang biktima.

Nagpulasan ang mga naglalamay sa burol at kaagad na tumakas ang mga salarin.

Nadala pa sa ospital ang biktima pero binawian din siya ng buhay.

Nakita rin sa CCTV ang paghinto ng isang sasakyan sa kaparehong lugar noong lunes.

Lulan nito ang mga salaring bumaril sa tiyuhin ng biktima na si Baful.

Sa pamamaril din noong lunes patay rin ang tanod na si Reynaldo Caguioa na ayon sa kaniyang misis ay biktima lang ng mistaken identity.

Ayon naman sa hepe ng University Belt area, posibleng isang grupo lang ang nasa likod ng dalawang pamamaril dahil parehong caliber 45 na baril ang ginamit sa krimen.

Onsehan sa droga raw ang tinitingnang anggulo ng mga pulis sa imbestigasyon dahil nasa drugs watch list daw ang tatlong biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis. —LBG, GMA News