Isang 45-anyos na babae na dating sumuko sa mga awtoridad dahil sa droga ang pitong araw nang nawawala matapos siyang sapilitang isakay sa motorsiklo ng mga hindi nakikilalang lalaki sa Pasig City.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, sinabing hapon noong July 11 nang dukutin ng mga salarin ang biktimang si Victoria Collo, malapit sa kanilang bahay sa Barangay Malinao, Pasig.

Batay sa kuha ng CCTV sa mga karatig na lugar, hindi bababa sa walong nakamaskara at helmet na mga lalaki na sakay ng apat na motorsiklo ang pinaniniwalang kumuha sa biktima.

Sa isang kuha pa ng CCTV, nakita ang biktima na pinagitnaan sa isang motorsiklo ng mga suspek habang patungo sa C-5 Road, Makati City.

Ang mga kapatid ng biktima, nag-aalala sa sinapit ni Collo, na patuloy nilang hinahanap kahit maging sa mga morgue at punerarya.

Humingi na rin ng tulong ang mga kaanak ng biktima kay National Capital Region Police Chief Major General Guillermo Eleazar, para mahanap si Collo.

Nangako naman si Eleazar na makikipag-ugnayan sa mga nakatalagang awtoridad na nagsasagawa ng imbestigasyon sa paghahanap sa biktima.--FRJ, GMA News