Nasawi ang isang 58-anyos na babaeng guro matapos siyang pagbabarilin sa loob ng silid-aralan sa Guipos, Zamboanga del Sur. Ang mga hindi kilalang suspek, nakalusot umano sa guwardiya ng eskuwelahan.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Narcisa Caay, guro ng Balongating National High School.

Lumabas sa imbestigasyon na nagtanong muna ang dalawang suspek sa guwardiya kung nasa loob pa ng paaralan si Caay.

"Ang sabi, subukan niyo baka andu'n pa sa bahay. Pagkatalikod niya. Dumiretso siya sa office ko kasi may nililinis siya," saad ni Jose Estaño, principal.

Nang malingat ang naka-duty na guwardiya, sumalisi na ang mga salarin at nakapasok ng eskuwelahan.

Nagtanung-tanong sila sa mga estudyante kung nasaan ang guro.

"Sumagot naman 'yung estudyante at ang sabi, 'Yes, sir kilala ko siya.' Pero  nu'ng time na 'yun, naka-helmet na ang suspek, naka-half mask at nakasuot din ng sunglass," sabi ni Police Staff Seargeant Mylin Mancia, imbestigador.

Nang makita si Caay, dito na nila agad pinagbabaril ang biktima.

Hindi pa matukoy ng anak ni Caay kung ano ang motibo sa pamamaslang sa ina, lalo't wala siyang kilalang nakakaaway nito.

Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek, samantalang nakikipagtulungan rin ang paaralan para maresolba ang kaso. — Jamil Santos/MDM, GMA news