Iginiit ng isang Katolikong arsobispo na walang kredibilidad ang testigo na nagdadawit sa iba’t ibang personalidad at ilang opisyal ng Simbahan sa kasong sedition na isinapa ng PNP dahil umano sa planong destabilisasyon laban sa pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Archbishop Antonio Ledesma ng Archdiocese of Cagayan de Oro at chairman din ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations, puro kasinungalingan ang sinasabi ni Joemel Peter Advincula alyas "Bikoy."
Matapos bumaliktad sa kanyang mga akusasyon sa "Ang Totoong Narco List" video series na umano'y sangkot ang mga kaanak ni Pangulong Duterte sa iligal na droga, idinawit ni Bikoy si VP Leni Robredo, ilang mga lider ng oppsition, at ilang taong-Simbahan sa umano'g tangkang destabilisasyon.
Dahil dito, nagsampa ang PNP ng reklamong sedition laban sa mahigit 30 na mga personalidad, kabilang ang Pangalawang Pangulo.
Iginiit din ni Ledesma na maituturing na kasinungalingan ang mga sinasabi ni Advincula dahil sa kawalan nito ng integridad bilang testigo ng PNP.
Dagdag pa ng arsobispo, dapat sundin ng PNP ang due process sa mga kasinungalingan ni Advincula.
“Well, that is definitely parang [disinformation] para sa akin sapagkat ang witness diyan is not credible himself, dapat nga we should really follow the due process na pakinggan din yung other side to it, alam din natin na maraming fabrication na mga charges ngayon among innocent people so dapat we should really follow the due process here at susundin din natin ang batas tungkol ditto,” pahayag ni Ledesma sa Radio Veritas
Kabilang sa 35 na indibidwal na kinasuhan ng sedition ng PNP ay sina Vice President Leni Robredo at ilang mga opisyal ng Simbahan kabilang na sina CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Former CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr., Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Robert Reyes at Jesuit Priest na si Fr. Albert Alejo.
Nauna nang ipinagtanggol ni CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles ang ilang obispo at pari sa pagkakasangkot sa nasabing kaso at ipananalangin ang pag-iral ng katarungan at katotohanan sa lipunan. —LBG, GMA News
