Patay ang apat sa mga sakay ng isang Multi-Purpose Vehicle (MPV) matapos na mabangga ng isang trailer truck sa Alicia, Isabela.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing base sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol ang driver sa minamaneho nitong truck hanggang sa mabangga niya ang MPV at isang motorsiklo.

Sumabog pa ang gulong ng truck hanggang sa sumadsad sa isang puno.

Kaagad na nasawi ang apat na biktima, habang dalawa pa ang sugatan sa mga sakay ng MPV, gayundin ang rider ng motorsiklo.

Inihahanda na ang mga kaukulang reklamo na isasampa laban sa driver ng truck na walang pahayag.—FRJ GMA News