Patay na nang matagpuan sa likod ng isang kapilya sa Mountain Province ang isang tatlong-taong-gulang na babae na unang iniulat na nawawala.

Ayon sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, huling nakitang naglalaro ang biktimang si Thea Bonbon, sa kanilang lugar sa Natonin noong Sabado ng hapon na kalaunan ay iniulat na nawawala.

Natagpuan siya kinaumagahan noong Linggo sa likod ng St. Martin de Porres Chapel sa Sitio Batnong. Ayon sa pulisya, may napansin na mga sugat sa ulo ng biktima.

Dinala ang bata sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa tinamo niyang matinding pinsala sa utak.

Napag-alaman na single mom ang ina ng biktima, at pansamantalang umalis ng bayan upang maghanapbuhay. Dahil dito, naiwan ang bata sa pangangalaga ng kaniyang mga lolo’t lola.

Ayon kay PNP Natonin chief investigator Police Senior Master Sergeant Cesar Pagod, wala pa silang person of interest sa ngayon at patuloy ang isinasagawa nilang imbestigasyon. – FRJ GMA News