Nagkagulo at halos magkasuntukan ang mga vendor sa Carriedo, Maynila matapos na hindi pumayag ang ilan sa kanila na gibain ang kanilang mga puwesto.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing hindi na natuloy ang demolisyon sa isinagawang clearing operation ng barangay nang pumalag ang mga vendor.

Nagkaroon ng sagutan at tulakan ang mga vendor sa bahagi ng Plateria at ng iba pang vendor sa ibang lugar.

Kinuwestiyon ng mga vendor sa Plateria kung bakit sila lang ang pinupuntirya ng barangay kung saan limang beses na silang in-operate ngunit hindi umano ang ibang lugar.

Pinabulaanan ito ng ilang vendor at sinabing hindi totoo ang akusasyon ng nasabing grupo.

Paliwanag ng Barangay 307 ng Quiapo, Maynila, sumusunod lang sila sa utos ni Mayor Isko Moreno at hindi totoo na may pinapaboran sila.

Pinagbigyan ng barangay ang hiling ng mga vendor na sila na ang magde-demolish ng kanilang mga puwesto, dahil sa ayaw at gusto nila ay sisirain din ang kanilang mga puwesto.

Inamin nilang limang beses na silang nasabihan pero hindi sila sumusunod sa utos ng barangay.

Samantala, makikita ang linis nang area ng Palma Street, na dati ay hindi madadaaanan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News